MANILA, Philippines - Isinantabi ng NU ang pagkatalo sa first set nang kakitaan ng tibay sa mga sumunod na laban para sa 21-25, 25-22, 25-21, 28-26 panalo sa UST at angkinin ang Shakey’s Girls’ Volleyball League Season 13 NCR leg noong Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Faith Nisperos ang naghatid ng mga mahahalagang puntos, si Nicole Magsarili ang nanguna sa depensa at si Joyme Cagande ang nagpakita ng magandang pagpapamahagi sa bola para makuha ang four-set panalo ng Lady Bullpups.
Bunga nito ay maglalaro na sa national finals ang NU kasama ang ibang magkakampeon sa mga regional eliminations sa taunang palaro na suportado ng Shakey’s at inorganisa ng Metro Sports sa pangunguna ni Freddie Infante.
Parehong hindi natalo ang NU at UST sa elimination upang samahan ang Kings’ Montessori School at Adamson sa Final Four.
Tinalo ng NU ang Adamson habang namayani ang UST sa KMS para magtuos sa kampeonato.
Nagwagi naman ang KMS sa Adamson para sa ikatlong puwesto.