Gilas pa-Taipei ngayon: 17-man team ipaparada sa Jones Cup
MANILA, Philippines - Nakatakdang magtungo ngayon ang Gilas Pilipinas sa Taipei para kumampanya sa 2015 Jones Cup Invitational Basketball Tournament na didribol bukas.
Kabuuang 17 players ang dadalhin ng Samahang Basketball ng Pilipinas para sa nasabing warm-up competition ng Asian meet na magsisilbing regional qualifier ng 2016 Olympics.
“We requested that we be allowed to enter all our players, choosing 12 at a time,” sabi ni Gilas team manager Butch Antonio.
Muling maglalaro sina Jimmy Alapag, Gabe Norwood, Sonny Thoss, Jayson Castro, Matt Ganuelas-Rosser at Ranidel de Ocampo para sa Gilas team na nagkampeon sa Jones Cup noong 2012.
Magbabalik ang National sa Jones Cup matapos ang two-year absence.
Makakatapat ng Gilas Pilipinas sa nasabing torneo ang Iran, South Korea, Japan, Chinese Taipei A at B teams, ang Wellington Saints ng New Zealand, Spartak-Primorye ng Russia at isang US selection.
Unang makakasagupa ng Gilas ang Chinese Taipei A bukas ng alas-7 ng gabi.
Magiging ‘observer’ naman ng Gilas si LA Lakers’ guard Jordan Clarkson.
Hangad ni coach Tab Baldwin na mapatibay pa ang samahan ng Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa FIBA Asia tourney sa Changsha, China.
Gahol na sa panahon ang Gilas para sa kanilang preparasyon kumpara sa Korea na pinangalanan na ang kanilang Final 12.
Muli namang ipaparada ng mga Iranians sina 7-foot-2 center Hamed Haddadi, top gun Samad Nikkah Bharami at chief playmaker Mahdi Khamrani.
Apat na korona ang napagwagian ng Iran sa loob ng limang taon at natalo noong 2012 ng Gilas na pinamunuan nina Marcus Douthit at tournament MVP winner LA Tenorio.
Ang US ang winningest team sa Jones Cup sa nahakot na 15 championships kasunod ang Pilipinas at Iran na may tig-apat.
Naghari ang Pilipinas noong 1981 sa pamamagitan ng NCC team na binanderahan ni Ricky Brown, noong 1985 sa likod nina Samboy Lim, Allan Caidic, Hector Calma, Franz Pumaren, Chip Engleland, Dennis Still at Jeff Moore, noong 1998 mula sa Phl Centennial Team ni coach Tim Cone at noong 2012 sa Gilas ni coach Chot Reyes.
- Latest