Tila hindi magiging sagabal ang Los Angeles Lakers sa paglalaro ni Jordan Clarkson para sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Championship sa susunod na buwan.
Kung tutuusin naman kasi ay “win-win” naman si Clarkson at ang Lakers sakaling maglaro nga ito sa Gilas Pilipinas.
Hindi naman kaila sa Lakers na nasa Pilipinas si Clarkson at kasalukuyan itong nakikipag-usap sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa posibleng paglalaro sa Gilas. Dahil sa mga pangyayaring ito parang nasisiguro na holder nga ng Philippine passport si Clarkson. Si Clarkson ay may Pilipinang ina--si Annette Davis.
Wala pang gaanong balita kung may kredensyal nga si Clarkson para makapaglaro sa FIBA-Asia, pero hindi naman manghihingi ng permiso ang miyembro ng NBA All-Rookie Team sa Lakers kung wala itong nakikitang pag-asa na makapaglaro para sa Gilas.
Si Clarkson ay naga-average ng 11.9 points, 3.2 rebounds and 3.5 assists per game. Starter siya sa maraming laro ng Lakers noong nakaraang taon.
Kasama sa kasalukuyang listahan na maglalaro sa Gilas sina Andray Blatche, Jimmy Alapag, Gabe Norwood, Sonny Thoss, Calvin Abueva, JC Intal, Aldrech Ramos, Marc Pingris, Jason Castro, Troy Rosario, Matt Ganuelas-Rosser, Gary David, Dondon Hontiveros, Ranidel de Ocampo, Moala Tautuaa, Terrence Romeo, Junmar Fajardo, Marcio Lassiter, Kiefer Ravena, LA Tenorio at Bobby Ray Parks.
Nasa Maynila si Clarkson para sa endorsement deal sa Smart. Nakatakda siyang sumama sa mga practice ng Gilas Pilipinas bilang observer habang inaayos niya ang dokumento na kailangan para sa FIBA upang payagan siyang maglaro para sa Philippine team sa FIBA Asia Championship.
Magsisimula ang FIBA-Asia Championship sa Setyembre 23 sa Changsha, China kung saan isang regional berth sa Olympic Games ang ibibigay.