MANILA, Philippines – Tapusin ang dalawang sunod na kabiguan ang balak gawin ng Emilio Aguinaldo College Generals habang papalakasin ng La Salle Archers at NCBA Wildcats ang kapit sa mahalagang ikatlo at apat na puwesto sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Dumapa sa naunang dalawang laro sa yugtong ito, inaasahang mapapalaban uli ang Generals laban sa UP Maroons sa unang laro sa tagisan ng mga koponang nasa labas ng top four sa liga.
May 2-3 karta ang NCAA champion Generals at papasok sa laro mula sa dalawang masasakit na kabiguan sa kamay ng St. Benilde Blazers at Ateneo Eagles kahit nakakakuha ng impresibong numero kay Howard Mojica.
Tumapos si Mojica ng 35 at 41 puntos sa nasabing mga laro pero kinapos pa rin kaya’t kailangan niya na makakuha ng suporta sa mga kakampi dahil ang Maroons, sa 1-3 karta, ay nangangailangan ng panalo para manatiling matibay ang asam na puwesto sa susunod na round.
Ikatlong panalo matapos ang limang laro ang target ng La Salle at NCBA sa kanilang mga asignatura sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Katunggali ng Archers ang nangungulelat na FEU Tamaraws sa alas-3 ng hapon habang ang Wildcats ay mapapalaban sa walang talong Ateneo Eagles sa alas-5
Ang Ateneo at ang wala pa ring talo na NU ay parehong nakapuwesto na sa semis habang ang FEU ay nanganganib na mamaalam kung matalo sa kanilang laro. (AT)