MANILA, Philippines – Isa na namang kabiguan ang nalasap ng Gilas Pilipinas sa kanilang unang mini tournament.
Yumuko ang Gilas Pilipinas laban sa host Estonia, 80-90, para malasap ang kanilang pangalawang sunod na kamalasan sa Toyota Four Nations Cup sa Saku Suurhall Arena sa Tallinn.
Umiskor ang Estonians ng 33 points sa first period at lumamang ng 23 puntos bago nakahabol ang Nationals sa paglapit sa 77-86 agwat sa huling tatlong minuto ng fourth quarter mula sa three-point shot ni guard Terrence Romeo.
Ngunit nagawa ng Estonia na mabuhusan ang mainit na pagdikit ng Gilas Pilipinas para kunin ang panalo.
Tumapos si 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche na may 16 points, habang nagdagdag ng 12 markers si guard Jayson Castro kasunod ang 10 ni Romeo.
Nauna nang nakalasap ang Nationals ng 27-point loss, 62-89, sa Netherlands sa una nilang laro.
Kumpara sa naturang laro laban sa Dutch, ginamit ni coach Tab Baldwin sa pagsagupa ng Nationals sa Estonians sina JC Intal at back-up Moala Tautuaa.
Pinagpahinga naman ni Baldwin sina Gary David, Jimmy Alapag at Aldrech Ramos.
Huling lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Iceland sa naturang four-team mini tournament na kanilang ginagamit bilang paghahanda sa 2015 FIBA Asia Championships sa Changsa, China.