MANILA, Philippines - Tuluyan nang isinuko ng Philippine Sports Commission ang kanilang planong magpatayo ng bagong national training center sa Pampanga.
Sa nakaraang mga taon ay pinursige ng PSC at ng Philippine Olympic Committee ang pagbibigay sa mga national athletes ng bagong tahanan.
Sinabi nina PSC chairman Richie Garcia at POC chief Jose Cojuangco na nararapat bigyan ng magandang tirahan at training center ang mga atleta.
Naniniwala silang hindi na bagay ang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at ang Philsports Complex sa Pasig na pagsanayan dahil sa polusyon.
Isang 50-hectare area sa Pampanga na pagmamay-ari at pinapatakbo ng Clark International Airport Corp. (CIAC) ang tinitingnan sana ng PSC at ng POC.
Ilang beses nakipagpulong sina Garcia at Cojuangco sa mga CIAC officials para sa isang long-term lease.
Gagamit ang PSC ng mga pre-fabricated materials, maglalagay ng mga quarters para sa mga atleta at magpapatayo ng training venues para sa iba’t ibang sports.
Balak ng PSC na magkaroon ng seed money para maumpisahan ang konstruksyon habang hinihintay na mabenta ang RMSC o makakuha ng suporta mula sa national government.
Inisip din ng POC na hikayating tumulong ang private sector.
Inalok na ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang pagpapagawa sa badminton hall.
Ngunit gusto ng CIAC na parentahan sa PSC ang nasabing 50-hectare property sa halagang P150,000 per hectare sa loob ng 10 taon.
Sa kabuuan, magbabayad ang PSC ng P75 milyon.
“At first we were very upbeat because we already came to an agreement on certain terms. Then the figures came up and we backed out,” wika ni Garcia.
“Let’s put it on hold. I guess we will have to wait for a better time,” dagdag pa nito.
Ayon kay Garcia, maaaring iniisip ng mga CIAC officials na magkakapera ang PSC sa mga itatayo nilang pasilidad sa nasabing lugar.
“Maybe CIAC is under the impression that we can make money here. That it’s moneymaking. But what we’re planning to build is not a place for competition but training,” sabi ni Garcia.
Hindi ito kagaya ng Rizal Memorial Stadium na maaaring pagdausan ng mga events.
“Unless we build a 20,000-seat coliseum there’s nothing to make money out of the training center,” dagdag pa ni Garcia.