MANILA, Philippines – Isang 6-foot-6 back-up center at second-round pick sa 2015 PBA Rookie Draft.
Ito ang kapalit ni Jervy Cruz ng Rain or Shine sa Globalport sa naging kasunduan ng dalawang koponan kahapon para sa darating na 41st season ng PBA.
Sa pagbibigay ng Elasto Painters sa 6-foot-4 na si Cruz ay makukuha nila mula sa Batang Pier si 6’6 Jewel Ponferada at isang second-round pick sa 2015 PBA Rookie Draft.
Ang pag-apruba lamang ng bagong PBA Commissioner na si Chito Narvasa ang kailangan para maselyuhan ang trade ng Rain or Shine at Globalport.
Makakasamang muli ni Cruz, ang No. 4 pick noong 2009 PBA Draft, ang dati niyang coach sa UST Tigers na si Pido Jarencio sa tropa ng Batang Pier.
Isa si Cruz sa mga nagbida para sa paghahari ng Tigers ni Jarencio sa UAAP Finals laban sa Ateneo BLue Eagles ni Norman Black noong 2006.
Sa kanyang limang taon sa Elasto Painters ay nagposte si Cruz ng mga averages na 6.3 points at 4.8 rebounds at naibilang siya sa PBA All-Rookie Team noong 2010 at hinirang na Mr. Quality Minutes noong 2013.