Pacquiao dedma muna sa boxing

MANILA, Philippines – Ngayon taon ay hindi muna iisipin ni world eight-division champion Manny Pacquiao ang boxing.

At sa halip ay gusto niyang pag-ukulan ng panahon ang pagtulong sa kanyang mga kababayan sa General Santos City bilang Congressman.

Ngunit gusto pa rin niyang labanan si Floyd Maywea­ther Jr. sa susunod na taon matapos matalo via unanimous decision sa kanilang super fight noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“I’d like to concentrate my efforts on working as a politician this year, and want to fight Mayweather in a rematch,” wika ni Pacquiao sa isang panayam habang nasa Tokyo, Japan para sa bidding ng Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup.

Nangako ang 36-anyos na Filipino boxing superstar na mas magiging handa siya sakaling maplantsa ang kanilang rematch ng 38-anyos na si Maywea­ther sa susunod na taon.

“I’ll be ready for that mentally and physically next year,” sabi ni Pacquiao. “I’ll show a better performance against him than in the first encounter.”

Sa kanyang pagkatalo kay Mayweather ay inireklamo ni Pacquiao ang pagkakaroon niya ng right shoulder injury sa fourth round.

Noong Mayo 7 ay su­ma­­­ilalim si Pacquiao sa isang surgery sa Los Angeles, California at ina­asa­hang makakapag-ensayong muli sa Pebrero ng 2016.

Nakatakda namang harapin ni Mayweather si Andre Berto sa Setyembre 12 sa MGM Grand na sinasabing magiging pinakahuling laban niya bago magretiro. (RC)

Show comments