Pagara patutulugin si Rios
DUBAI--Madidismaya ang mga kapanalig ni Albert Pagara kung hindi niya mapapatulog ang Mexicano na katunggali sa Pinoy Pride 32: The Duel in Dubai 2 ngayong gabi.
Dumating ang 21-anyos at tinaguriang “Prince” sa Dubai noong Biyernes at siya mismo ay kumpiyansa na kaya niyang makapagtala ng knockout panalo laban kay Jesus Rios.
“Hintayin natin. Dadating yan,” wika ni Pagara na hindi pa natatalo matapos ang 23 laban at 16 dito ay sa pamamagitan ng knockout.
Itataya ni Pagara ang hawak na IBF International junior-featherweight belt at matibay ang paniniwala niyang maibabalik niya ito sa Pilipinas.
Mas matanda si Rios ng 10 taon kay Pagara at may 31-7-1 karta. Nag-pro si Rios noong 2002 nang si Pagara ay edad walong taon pa lamang at 25 sa kanyang panalo ay knockout.
Lalaban din ang kapatid ni Albert na si Jason laban kay Ramiro Alcaraz ng Mexico.
Ipaparada ni Jason ang 35-2-0 kasama ang 22 KOs habang si Alcaraz ay mayroong 15-4 kasama ang 9 KOs.
Handog ng ALA Promotion at ABS-CBN Sports, ang beteranong si Jimrex Jaca ay sasalang din kontra kay Mexican Pablo Lugo Montiel.
Ang iba pang laban ay sa pagitan nina Larry Abarra ng Pilipinas at Tony Arema ng Indonesia (122lb); Deo Krizito ng Uganda at Fapech Manopchaigym ng Thailand (140lb); Lasisi Bamidele ng Dubai at Singhoi Singmansak ng Thailand (118lb) at Nicholas Mwangi ng Dubai at Mohammad Akram ng Syria (135lb).
- Latest