MANILA, Philippines – Kung hindi man makuha ni British star Amir Khan ang sagot ni Floyd Mayweather, Jr. ay malaki naman ang tsansang makasagupa niya si Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Isa na si dating world light welterweight at welterweight titlist Ricky Hatton sa mga umaasang mapaplantsa ito.
“It’s a good fight Amir Khan vs Manny Pacquiao – a chess match,” sabi ni Hatton sa panayam ng World Boxing News. “I think they would both try and use their speed and movement to win it."
Ang 36-anyos na si Pacquiao at ang 28-anyos na si Khan ay dating magkasama sa training sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.
Ilang beses na ring nagsanay sa Pilipinas ang Briton kasabay ni Pacquiao.
“It’s good that Amir wants to fight the best and I believe that Pacquiao is still one of the best,” wika ni Hatton, pinatulog ni Pacquiao sa second round noong 2009.
Huling lumaban si Hatton noong 2012 kung saan siya pinabagsak ni Vyacheslav Senchenko sa ninth round kasunod ang kanyang pagreretiro.
Isa si Khan sa mga nasa listahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para itapat sa Filipino world eight-division champion bukod pa kay WBO light welterweight king Terrence Crawford.
Natalo si Pacquiao kay Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 2.