Knights dumiretso sa pang-pitong panalo

Nilusutan ni John Paul Calvo (8) ng Letran ang depensa nina Joemari Lacastesantos (11) at Mer Jesper Ayaay (15) ng Lyceum. Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Nakahanap ng solusyon ang Letran Knights sa ha­mong hatid ng Lyceum Pi­rates para iuwi ang 83-78 panalo at manatiling walang talo sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Are­na sa San Juan City.

Bumalik si Mark Cruz sa huling yugto at ang kanyang nakumpletong 3-point play ang nagbigay sa Knights ng 71-65 bentahe.

Si Cruz ay napahinga sa ikalawa at ikatlong yugto matapos masiko sa ilong ilang segundo bago matapos ang first period.

Pisikal ang laro at uma­bot sa walo ang technical o flagrant foul para sa kabu­uang 54 fouls.

May kabuuanng 67 free throws ang ibinigay sa da­lawang koponan at ang Knights ay kumolekta ng 21 puntos sa 34 tangka.

Si Kevin Racal at Rey Nam­batac ay nagtala ng tig-19 puntos, habang si Jomari Sollano ay may 11 puntos para sa 7-0 record ng Knights.

Nagtala ng career-high na 22 puntos at 12 rebounds si Cameroonian Jean Nguidjol para sa Pirates (1-6) na ininda ang pagkawala ni Joseph Gabayni bunga ng disqualifying foul nang si­kuhin sa ulo si Nambatac sa ikatlong yugto.

Bumalik naman ang sig­la ng St. Benilde Blazers (2-5) matapos kunin ang 88-66 pa­nalo kontra sa San Sebastian Stags (1-6) sa unang laro.

Show comments