Lady Eagles at Lady Chiefs target ang quarterfinals seat sa Shakey’s V-League

MANILA, Philippines - Itataya ng Ateneo Lady Eagles ang pangunguna sa Group B, habang pu­wes­to sa quarterfinal round ang target ng Arellano La­dy Chiefs sa Shakey’s V-League Season 12 Colle­giate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Hindi pa natatalo ang La­dy Eagles matapos ang tatlong laro at opisyal silang papasok sa quarterfinals kung magwawagi  sa St. Be­­nilde Lady Blazers sa ga­nap na alas-12:45 ng tanghali.

Ang FEU Lady Tamaraws pa lamang ang opis­yal nang nasa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog pa ng PLDT Home Ultera bitbit ang 3-0 baraha sa Group A.

Kasalo ng Lady Bla­zers ang UST Tigresses sa pangalawang puwesto sa 2-1 karta at gusto nilang bumangon matapos ang paglasap ng unang pagka­talo sa Tigresses sa apat na sets sa huling asignatura.

Si Joanna Maraguinot na nasa ikatlong puwesto sa best scorer ng liga sa na­italang 48 puntos, tampok ang 40 kills, ay inaa­sahang makikitaan muli ng magandang laro para may makatuwang ang iba pang kakampi sa pangunguna ni Alyssa Valdez.

Paborito naman ang Arel­lano na saluhan ang FEU sa pagharap sa wala pang panalong University of Batangas Mighty Brahmans sa alas-3 ng hapon, habang kunin ang pangalawang sunod na panalo ang nakataya sa San Sebastian Lady Stags sa wala pang panalong La Salle-Dasma Lady Patriots.

May 2-1 karta ang Lady Chiefs at kung madagdagan ang panalo ay maka­ka­wala rin sila sa pakikisalo sa National University Lady Bulldogs at UP Lady Maroons sa pangalawang pu­westo.

Show comments