Lady Eagles at Lady Chiefs target ang quarterfinals seat sa Shakey’s V-League
MANILA, Philippines - Itataya ng Ateneo Lady Eagles ang pangunguna sa Group B, habang puwesto sa quarterfinal round ang target ng Arellano Lady Chiefs sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi pa natatalo ang Lady Eagles matapos ang tatlong laro at opisyal silang papasok sa quarterfinals kung magwawagi sa St. Benilde Lady Blazers sa ganap na alas-12:45 ng tanghali.
Ang FEU Lady Tamaraws pa lamang ang opisyal nang nasa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog pa ng PLDT Home Ultera bitbit ang 3-0 baraha sa Group A.
Kasalo ng Lady Blazers ang UST Tigresses sa pangalawang puwesto sa 2-1 karta at gusto nilang bumangon matapos ang paglasap ng unang pagkatalo sa Tigresses sa apat na sets sa huling asignatura.
Si Joanna Maraguinot na nasa ikatlong puwesto sa best scorer ng liga sa naitalang 48 puntos, tampok ang 40 kills, ay inaasahang makikitaan muli ng magandang laro para may makatuwang ang iba pang kakampi sa pangunguna ni Alyssa Valdez.
Paborito naman ang Arellano na saluhan ang FEU sa pagharap sa wala pang panalong University of Batangas Mighty Brahmans sa alas-3 ng hapon, habang kunin ang pangalawang sunod na panalo ang nakataya sa San Sebastian Lady Stags sa wala pang panalong La Salle-Dasma Lady Patriots.
May 2-1 karta ang Lady Chiefs at kung madagdagan ang panalo ay makakawala rin sila sa pakikisalo sa National University Lady Bulldogs at UP Lady Maroons sa pangalawang puwesto.
- Latest