MANILA, Philippines – Bagama’t gusto niyang katawanin ang Pilipinas sa 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters ay hindi pinayagan si Kobe Paras ng kanyang American coach.
Ito ang ibinalita ni Benjie Paras, ang ama ni Kobe.
“Unfortunately, according to Kobe’s dad, ‘yung coach ni Kobe sa States would rather have him attend the Adidas training camp,” sabi kahapon ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios.
“Wala tayong magagawa doon at baka iba pa ang mangyari kay Kobe,” dagdag nito.
Nakatakda ang 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Agosto 1 at 2 sa Robinsons’ Place sa Ermita kung saan kabuuang 11 bansa ang kalahok.
Tatlong koponan ang isasalang ng SBP para mapalakas ang tsansang muling pagharian ang torneo matapos magkampeon ang Manila West team nina Terrence Romeo, Rey Guevarra, Niño Canaleta at Aldrech Ramos noong nakaraang taon.
Hangad sana ng SBP na isama ang 6-foot-7 na si Paras, ang two-time slam dunk champion ng FIBA 3x3 Under-18 World Championship, sa Manila North squad.
Nakatakdang maglaro si Paras para sa University of California Los Angeles (UCLA) Bruins, isang US NCAA Division I school.
Ang Manila North ay magtatampok kina Calvin Abueva at Vic Manuel ng Alaska, Karl Dehesa ng Kia at National University Bulldogs superstar Troy Rosario.
Ang Manila South naman ay binubuo nina Lucky Ecarma, Jair Igna, Carlo Ortega at Joshua Sinclair na nagkampeon sa torneo ng SBP.
Ang tatlong koponan ay nasa pamamahala ni head coach Eric Altamirano, gumiya sa National University Bulldogs sa kampeonato ng nakaraang UAAP season.