MANILA, Philippines – Hindi lamang para sa kanyang pamilya tumatakbo si Luisa Raterta, kundi para rin sa mga batang kanyang tinuturuan at tinutulungan.
Lubos ang kasiyahan ng 33-anyos na si Raterta nang mapanalunan ang Manila qualifying leg ng 39th Milo Marathon noong Linggo sa Mall of Asia grounds sa Pasay City.
Hindi dahil sa personal na kapakinabangan sa premyong P50,000.
“Malaking tulong ito para sa mga batang tinuturuan kong mag-marathon,” nangingislap ang mga matang wika ng tubong Sta. Rosa, Laguna. “Maibibili ko na sila ng sapatos kung sakali.”
Kasabay ng pagpapaganda ng kanyang personal time ay ginagabayan din ni Raterta ang oras ng mga batang gusto siyang sundan sa larangan ng marathon.
“Maganda kasi ‘yung habang bata pa sila tine-train mo na sila at gina-guide mo na sila para maitanim sa kanila ‘yung right attitude,” sabi ni Raterta.
“Gusto ko rin silang maiiwas sa mga masasamang bisyo kaya talagang binubuhusan ko sila ng panahon,” dagdag pa ni Raterta, may tatlong anak at may tatlong tricycle na pamasada.
Nakikita na ngayon ni Raterta ang bunga ng kanyang pagtuturo sa kanyang 13-anyos na anak na si Leonalyn na pumangatlo sa women’s 5K.
“Lumaban siya sa 2015 Palarong Pambansa, ngayon nag-third siya sa 5K,” pagmamalaki ni Raterta kay Leonalyn. “Masarap ‘yung feeling na nananalo ‘yung anak mo.”
Tiniyak ni Raterta, dating miyembro ng national duathlon team, na hangga’t kaya pa niyang tumakbo ay patuloy siyang sasali sa Milo Marathon.
Samantala, hindi naman naitago sa mukha ni singer/actress Karylle ang kasiyahan nang matapos niya ang sinalihang karera.
“There was a group of students who stayed with me towards the end of the race. I was already a bit tired, but they waited for me to catch up and encouraged me to go on,” sabi ni ni Karylle.
“The energy and support from everyone is the best,” dagdag pa nito.
Matapos ang Manila leg ay dadalhin naman ng Milo Marathon ang mga qualifying legs sa Calapan (Agosto 2), Lipa (Agosto 9), Naga (Agosto 16), Lucena (Agosto 30), Iloilo (Setyembre 20), Bacolod (Setyembre 27), Tagbilaran (Oktubre 4), Cebu (Oktubre 11), General Santos (Oktubre 18), Davao (Nobyembre 8), Butuan (Nobyembre 15) at Cagayan De Oro (Nobyembre 22).