TORONTO — Tumipa si DeMar DeRozan ng career-high na 42 points at dinuplika ang kanyang career high na 11 rebounds para banderahan ang Raptors sa 99-96 panalo sa Houston Rockets.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Toronto laban sa Houston sa kanilang balwarte.
Umiskor si DeRozan ng go-ahead turnaround bank shot sa huling 1:27 minuto sa final quarter at sinelyuhan ang panalo ng Raptors mula sa kanyang jumper laban kay Rockets’ star James Harden sa nalalabing 18 segundo.
“It’s definitely cool because we’ve been playing against each other since we were kids,’’ sabi ni DeRozan kay Harden na lumaki rin sa Los Angeles area. “That’s one of my close friends in the league to this day”.
Nagdagdag naman si Jonas Valanciunas ng 15 para sa Toronto, habang may 13 si Lou Williams.
Umiskor si Harden ng 31 points sa panig ng Houston.
Sa Portland, nakuha ng Trail Blazers ang isang playoff spot para makalapit sa pagsikwat sa Northwest Division title.
Inangkin ng Blazers ang isang playoff berth matapos iposte ang 109-86 panalo laban sa Phoenix Suns.
Nagtala si Damian Lillard ng 19 points at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 17 points at 7 rebounds para sa Blazers, ipinahinga ang kanilang mga starters sa fourth quarter nang magtayo ng 92-65 kalamangan.
Ito ang ikaapat na sunod na kabiguan ng Suns at posible pang mawala sa playoff picture.