Mas mainit ang semis wars ng Purefoods, Talk ‘N Text

MANILA, Philippines – Sa kanilang unang paghaharap noong Marso 14 ay nagsalpak si import Denzel Bowles ng winning jumper para sa 118-117 triple¡ overtime ng nagde­de­pensang Purefoods kontra sa Talk ‘N Text.

Inaasahan ni head coach Tim Cone na mas magiging mabigat ang kanilang best-of-five semifinals series para sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Maglalaban ang Hotshots at Tropang Texters sa Game One ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Mabilis na pinatalsik ng Talk ‘N Text ni mentor Jong Uichico ang Barako Bull, 127-97 sa kanilang quarterfinals match-up.

Winalis naman ng Pure-foods ang Alaska, 120-86 at 96-89 sa kanilang best-of-three quarterfinals showdown para umabante sa semifinals series.

Ayon kay Uichico, ibang antas na ng kompetisyon ang matutunghayan sa semifinals.

Sina Bowles, two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Marc Pingris, Joe Devance, Mark Barroca at PJ Simon ang mu­ling aasahan ng Hotshots.

“We just have to play defense, control the boards and stay with the shooters. I think we’ll have a great chance,” sabi ng 6-foot-9 na si Bowles.

Itatapat naman ng Tropang Texters sina reinforcement Ivan Johnson, Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Kelly Williams, Ryan Reyes at Larry Fonacier.

Samantala, dahil sa ka­biguang makapasok sa semifinal round sa pang-limang sunod na kom­pe­rensya, nagdesisyon ang Barangay Ginebra na hirangin si assistant coach Frankie Lim bilang bago nilang head coach.

Si Lim, pumalit kay Ato Agustin, ang pang-limang head coach ng Gin Kings sa nakaraang anim na torneo.

Sa pagpasok ni Lim sa Gin Kings ay ibinigay ng Ginebra sina Dylan Ababou at Fil-Canadian guard James Forrester sa Barako Bull kapalit ng 2015 first round pick.

Show comments