Ika-129th Masters title pinagulong ni Paeng
MANILA, Philippines – Muling umalingawngaw ang pangalan ni Paeng Nepomuceno nang talunin niya ang mga mas batang katunggali para pangunahan ang 6th SCTBA (Summer Capital Bowling Association) Prima Pasta Eye Bowl for a Cause Championships noong Linggo sa Playdium Center sa Quezon City.
Tinalo ng 58-anyos natatanging four-time champion sa Bowling World Cup si Kenneth Chua, 2-0 (236-221, 217-199), para sa kanyang ika-129th Master title.
“I’m happy to have been able to hold my own against Philippine team members who are half my age,” pagmamalaki ni Nepomuceno.
Pumangalawa si Nepomuceno sa 36 manlalaro sa 10-game masters elimination tangan ang 2384 pinfalls at kapos ng 49 pins sa nangunang si Chua (2433).
Nakuha ni Nepomuceno ang karapatang labanan si Chua nang daigin si Paulo Darroca sa one-game shootout, 224-216.
Sina Chua at Darroca ay mga kasapi ng national team members tulad din nina Kevin Cu at Jeff Carabeo na nalagay sa ikaapat at limang puwesto, ayon sa pagkakasunod.
- Latest