Warriors sinikwat ang first division title
PORTLAND, Ore. —Tuluyan nang sinikwat ng Golden State ang kanilang unang division title matapos ang 39 taon.
Kumamada si Stephen Curry ng 33 points at 10 assists para banderahan ang Warriors sa 122-108 panalo laban sa Portland Trail Blazers.
Nagdagdag naman si Andre Iguodala ng 21 points para sa Warriors, nakamit ang kanilang pang-pitong sunod na panalo para iposte ang NBA-best 58-13 record.
Hindi pa nakakapanalo ang Golden State ng Pacific Division crown sapul noong 1975-76 season kung saan nila inangkin ang NBA championship.
Sa Milwaukee, nagsalpak si Khris Middleton ng 3-pointer sa final buzzer para tapusin ng Bucks ang kanilang six-game losing skid sa pamamagitan ng 89-88 panalo sa Miami Heat sa labanan sa sixth spot sa Eastern Conference playoff race.
Tinapik ni Zaza Pachulia ang bola kay Middleton para sa kanyang tres. Tumapos siya na may 13 points.
Sa Auburn Hills, Michigan, nagtala si Reggie Jackson ng 28 points at 9 assists, habang naglista si Andre Drummond ng 21 points at 18 rebounds para sa 108-104 panalo ng Detroit Pistons sa Toronto Raptors.
Nagtumpok sina Jackson at Kentavious Caldwell-Pope ng pinagsamang 54 points, 13 assists at 11 rebounds para sa Pistons.
Sa Oklahoma City, nagposte si NBA scoring leader Russell Westbrook ng 27 points at 11 assists, habang nagsalansan si Enes Kanter ng 25 points at 16 rebounds para ihatid ang Thunder sa 127-117 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Thunder.
- Latest