MANILA, Philippines – Nagpatuloy ang magandang tambalan nina Peter Gabriel Magnaye at Paul Jefferson Vivas nang pagharian nila ang men’s open doubles sa Smart-Prima Pasta Badminton Open Championships na natapos kamakailan sa Powersmash court sa Makati City.
Tinalo nina Vivas at Magnaye sina Philip Joper Escueta at Ronel Estanislao sa finals, 21-19, 21-9, para maging kampeon uli sa ikatlong sunod na taon.
Ang panalo nina Vivas at Magnaye na nanalo sa Swiss Open noong nakaraang taon, ay patunay na karapat-dapat silang isabak sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
Sina Eleanor Christine Inlayo at Alyssa Ysabel Leonardo ang siyang kampeon sa women’s division nang angkinin ang 21-17, 21-17, tagumpay kina Anna Patricia Barredo at Thea Marie Pomar.
Kampeon sa mixed doubles sina Aries Delos Santos at Aires Amor Montilla sa naitatak na 21-15, 21-17, panalo kina Estanislao at Barredo.
Ang kompetisyon ay may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA) at may ayuda pa ng Bakerite, Elite Air, Fortune life, Goldilocks, Jones Lang La Salle Leechiu, Jose Siao Ling & Associates, Mega Subic Terminal Services, Sincere Construction, U2 Electrical, United Colourtech, Wil-An Aluminum, Window One, Gardenia, Amstar at Waterline Engineering.