National Open pokus lahat kay Stuart
MANILA, Philippines – Magsisimula ngayon ang pagpapakitang-gilas ng mga kasapi ng national track and field team na ikinalat sa magkakaibang club teams sa pagbubukas ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Tampok na bakbakan ang sa Open division na kung saan masusukat ang Pambansang atleta ng mga dayuhang katunggali mula sa 12 bansa.
May 17 finals events ang nakalatag sa una sa apat na araw na kompetisyon at 11 dito ay sa Open.
Tiyak na ang mga mata ay itutuon kay Fil-Am Caleb Stuart at sa mga tinitingalang locals na sina Marestella Torres, Henry Dagmil, Archand Bagsit at Christopher Ulboc na sasalang agad sa aksyon.
Si Stuart ay kasali sa shot put sa ganap na alas-8 ng umaga bago bumalik dakong alas-2:40 ng hapon para sumali sa hammer throw.
Ang mga personal best ni Stuart sa dalawang events na ito ay lampas sa SEA Games records kaya’t inaasahan siyang makakapaghatid ng dalawang ginto sa host country.
Hindi naman pahuhuli sina Torres, Dagmil at Bagsit na lalaban sa female at male long jump, 400m run at steeplechase event .
Si Torres ay magsisikap na patunayan na siya pa rin ang pinakamahusay na manlalaro ng bansa sa long jump matapos ang kabiguang gumawa ng marka nang lumahok sa Asian Games sa Incheon, Korea noong nakaraang taon.
Sina Dagmil, Bagsit at Ulboc ang mga SEA Games gold medalists sa kanilang events noong 2013 sa Myanmar at ang magandang estado ang pilit na pangangalagaan ng mga nabanggit sa nasabing kompetisyon.
Ang ibang finals na paglalabanan ay sa juniors at masters categories.
Si PATAFA president Philip Juico ang mangunguna na sasalubungin ang tinatayang nasa 5000 atleta na kasali sa simpleng opening ceremony sa ganap na ala-1 ng hapon.
Gagamitin ng PATAFA ang makukuhang resulta sa kompetisyon upang maging isa sa basehan para sa ipadadalang manlalaro sa SEA Games. (AT)
- Latest