Mr. Clean

Para siguradong patas at malinis ang laban, ma­tin­ding uri ng drug-testing ang ipapatupad kina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Olympic style.

Ibig sabihin ay random, biglaan at walang announce­ment kung kelan at saan kukunan ng sample ng dugo o ihi ang sinumang boxer.

Magsisimula anumang araw  ngayon ang pagbisita ng mga officials ng United States Anti-Doping Agency sa dalawang boxers.

Mahigpit ang USADA.

Puwede silang kumatok sa pintuan ninuman sa anu­mang oras na araw o gabi.

At ayon sa kasunduan, sino man ang mahuling nag­tu­­turok o gumagamit ng mga bawal na performance-enhanding drugs (PEDs) ay malilintikan.

Bukod sa maaaring hindi matuloy ang laban at mawalan ng titulo, may ipapataw din na four-year ban para sa gagamit ng PEDs.

May listahan ang USADA ng mga pinagbabawal na gamot na hindi puwedeng gamitin ng boxers. Bibigyan ang dalawang kampo ng listahan para malinaw.

Minsan kasi ay hindi alam ng boxer na ang kanyang iniinom na vitamin o anumang juice or gamot ay may illegal substance.

Ang PEDs kasi ay ginagamit ng ibang athletes para sa mabilisang paglaki ng muscles at mabilisang pampalakas at pampabilis.

Steroids ang tawag ng iba rito.

Marami na ring boxers ang nahulian nito pero baka marami na rin ang nakalusot.

Minsan nang pinagbintangan ni Mayweather si Pacquiao na gumagamit nito at nauwi ito sa demandahan.

Natural, itinanggi ito ni Pacquiao. Malinis si Pacquiao. Kaso nga lang, malakas para sa size niya kaya pinagdudahan.

Dahil nga sa four-year ban, ang ibig sabihin nito ay katapusan na ng boxer na mahuhuliang gumagamit ng illegal substance.

Sa edad nina Pacquiao (36) at Mayweather (38), ang four-year ban ay para na rin nilang death sentence.

Kaya maniniguro sila.

Iwas droga.

Show comments