MANILA, Philippines - Kung ibabase sa palitan ng dolyar sa piso ($1-P44), higit sa P3.5 bilyon ang kikitain ni Manny Pacquiao sa kanilang mega showdown ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ngunit hindi niya ito buong maibubulsa dahil sa parte nina Bob Arum ng Top Rank Promotions, chief trainer Freddie Roach at iba pang kasama sa kanyang grupo.
Nagkasundo sina Pacquiao at Mayweather sa 60/40 purse split kung saan tatanggap ang American world five-division titlist ng $120 milyon (P5.3 bilyon) at $80 milyon (P3.5 bilyon) naman para sa Filipino world eight-division champion.
Wala pang solidong numero kung ano ang magiging halaga ng bawat tiket para sa naturang Pacquiao-Mayweather super fight.
Ang Mayweather Promotions ang siyang may hawak ng presyo ng mga tiket. Ilang linggo na ang nakakaraan ay inihayag na ang pinakamurang tiket para sa banggaan nina Pacquiao at Mayweather ay aabot sa $1,000 at ang pinakamahal ay $5,000.
Matapos ang kanilang natatanging press conference kamakalawa sa Nokia Theater sa Los Angeles, inihayag ng Mayweather Promotions na ang mga tiket ay magkakahalaga ng mula $1,500 sa upper section hanggang sa $7,500 sa ringside ng 16,000-seater na MGM Garden.(RC)
Sinasabing ito ay aakyat pa habang papalapit ang naturang mega showdown sa Las Vegas, Nevada.
Bago ito ay sinabi ng Filipino boxing superstar na hindi siya ngayon mamimigay ng mga tiket kumpara sa kanyang mga unang laban.
“No tickets. I am even paying for the tickets for my family,” ani Pacquiao.
Sa mga nakaraang boxing fight ang tiket ay umaabot lamang sa $200 para sa pinakamurang upuan at nasa pagitan naman ng $1,200 hanggang $1,500 ang mamahaling silya.
“Everything about this fight is big,” pagkukumpara ni Pacquiao.