MANILA, Philippines - Walang pag-aalinlangan si Manny Pacquiao sa kanyang tsansang manalo laban kay Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“I am one-hundred percent confident,” wika ni Pacquiao sa panayam ni Miguel Maravilla ng Fightnews.com. “I think positive and the Lord will raise my hand May 2nd.”
Kampante ang Pambansang Kamao dahil maganda ang panimula ng kanyang training camp sa Wild Card gym.
Pumasok siya sa unang yugto sa masinsinang paghahanda para sa pinakamahalagang laban sa kanyang boxing career na nasa kondisyon na dahil nagpauna na siya ng sariling paghahanda noong nasa bansa pa sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball at gym work.
Angat ang pound-for-pound king sa pananaw ng mga mahihilig sa boxing pero walang kaso ito kay Pacman.
“I feel good being the underdog. It gives me motivation to prove something,” paliwanag nito.
Tiniyak uli ni Roach ang paniniwalang kayang patulugin ni Pacquiao si Mayweather na balak kunin ang ika-48th sunod na panalo sa mega-fight na ito.
Para mangyari ito ay padadaanin niya si Pacquiao sa matinding pagsasanay para maabot ang pinakamagandang kondisyon sa gabi ng labanan.
“We have some hungry upcoming fighters sparring with Manny. We have to dominate him in the first round and take him out of his comfort zone right away,” pahayag ni Roach.
Nakataya sa laban na inaasahang gagawa ng record sa kita sa gate at sa Pay Per View, ang mga titulo sa WBC, WBA at WBO welterweight.