Caguioa, Fajardo at Hontiveros ‘di lalaro sa PBA All-Star Game

 

Laro Bukas (Puerto Princesa, Palawan)

4:15 p.m.  All-Star Skills Challenge

7 p.m.  Rookies vs Sophomores Game

MANILA, Philippines – Huwag n’yo nang ha­napin sina June Mar Fajar­do ng San Miguel, Mark Caguioa ng Ginebra at Dondon Hontiveros ng Alaska sa 2015 PBA All-Star Weekend.

Ito ay dahil may injury sina Fajardo at Caguioa, habang may karamdaman naman si Hontiveros.

Itatampok sa PBA All-Star Week sa Puerto Princesa, Palawan ang record-setting 13th All-Star Game appearance ni Asi Taulava, ang pormal na pamamaalam ni Jimmy Alapag at ang pagbabalik ng North-versus-South battle.

Nagtungo na kahapon ang bulto ng PBA delegation sa tourist city para sa kasiyahan at bakasyon mula sa maigting na PBA Commissioner’s Cup na nasa huling bahagi ng elimination round.

Maglalaro si Taulava kahit na may lagnat para sa kanyang pang-13th All-Star Game sa Linggo anim na araw matapos ang kanyang ika-42 kaarawan.

Kasalo ng Fil-Tongan si Alvin Patrimonio para sa pinakamaraming partisipasyon sa naturang mid-season spectacle.

Ibabalik ang Rookies-Sophomores Blitz Game, ang mahirap na labanan sa All-Star skills contests at ang paglalaro ng siyam na All-Star MVP winners sa North-South duel.

Pangungunahan nina Taulava at Alapag, ang co-MVP winners sa Cebu noong 2004, ang South team kasama sina ex-MVP winners James Yap (2012), Jeff Chan (2013) at PJ Simon (2008) laban sa North team nina Marc Pingris, Jeff Chan, Arwind Santos at Gabe Norwood na mga dating All-Star MVPs.

Hindi nakasama si Gary David, ang 2014 MVP, dahil sa kakulangan ng nakuhang boto.

Ang iba pang nasa South cast ay sina Fajardo, Hontiveros, Greg Slaughter, Mark Barroca, Cyrus Baguio, Reynel Hugnatan, Joe Devance at Stanley Pringle.

Kukumpleto naman sa North lineup sina Ca­guioa, Justin Melton, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Paul Lee, Terrence Romeo, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Beau Belga.

Si Caguioa ay inaasahang papalitan ni Ginebra teammate LA Tenorio, habang hindi nakasama sa biyahe si Fajardo dahil sa injury.

“He’ll undergo treatment for the next two days. But the good news is that his ankle injury is not so bad and he’ll likely follow us in Palawan before the All-Star Game. There’s a strong possibility that he can play,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria, gagabay sa North team in the All-Star game.

Ang South team ay igi­­giya naman ni Alaska coach Alex Compton.

Show comments