Laro sa Miyerkules
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs ADMU
(Men’s Finals)
4 p.m. NU vs DLSU (Women’s step-ladder)
MANILA, Philippines — Pinangatawanan ng third seed National University Lady Bulldogs ang estado nang kunin ang 25-13, 25-17, 25-27, 25-23, panalo sa FEU Lady Tamaraws sa pagsisimula ng 77th UAAP women’s volleyball step-ladder semifinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Gumana ang mga inaasahan sa NU na sina Myla Pablo, Jorelle Singh at Jaja Santiago para kunin ang karapatan na labanan ang La Salle Lady Archers sa second round.
May twice-to-beat ang Lady Archers matapos pumangalawa sa elimination round at ang labanan ay gagawin sa Miyerkules.
May 21 kills tungo sa 22 hits si Pablo habang si Singh ay may 20 puntos. Si Santiago ay mayroong 19 hits kasama ang 16 kills habang si Siemens Dadang ay may tatlong blocks para higitan ang ipinakita ng mga batikang manlalaro ng Lady Tamaraws.
Si Bernadeth Pons ay may 16 habang sina Heather Guino-o at Toni Rose Basas na parehong rookies ay gumawa ng 13 at 10 hits.
Ngunit ang beteranang si Geneveve Casugod ay nalimitahan sa siyam na hits habang si Samantha Dawson ay hindi nakapuntos para mamaalam na ang FEU sa ikaapat na do-or-die game na hinarap.
Ang panalo ng Lady Bulldogs ang kumumpleto sa mabungang paglalaro ng NU dahil umabante sa finals ang men’s team sa bisa ng 25-18, 25-23, 25-23, panalo sa UST Tigers.
Ang fourth seed at nagdedepensang kampeon ay nanalo sa ikalawang sunod na laro laban sa third seed na Tigers at nangyari ito sa pagtutulungan nina Peter Torres, Reuben Inaudito, Edwin Tolentino at Jan Paglinawan na tumapos sa pinagsamang 48 puntos.
Makakaharap ng Bulldogs ang No. 1 Ateneo Eagles na agad na umentra sa finals nang talunin ang Adamson Falcons noong Miyerkules.