Chism muling bumanat Painters pinasuko ang Energy

Umiskor si Raymond Almazan ng Rain or Shine matapos iwanan si Justin Chua ng Barako Bull. STAR/Jun Mendoza

Laro Ngayon

(San Juan Arena)

5 p.m. Kia vs Blackwater

 

MANILA, Philippines - Bagama’t ilang ulit na nagposte ang Rain or Shine ng 20-point lead ay hindi pa rin sumuko ang Barako Bull.

Subalit sa huli, ang ha­ngarin ng Elasto Painters na mailista ang kanilang pangatlong sunod na panalo ang hindi napigilan ng Energy.

Giniba ng Rain or Shine ang Barako Bull, 103-91, tampok ang 32 points, kasama rito ang 7-of-13 shooting sa three-point range, at 7 rebounds ni balik-import Wayne Chism sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ang panalo ang nagtabla sa Elasto Painters sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa ikalawang posis­yon sa magkatulad nilang 5-2 record.

“It’s a two week break for us,” sabi ni coach Yeng Guiao sa darating na 2015 PBA All-Star Weekend sa Palawan. “It’s important for us to get a win before the break. We wanted this win badly to take this break and relax a bit.”

Mula sa maliit na 30-27 abante sa opening period ay naglunsad ang Rain or Shine ng 21-4 atake para ibaon ang Barako Bull, 51-31, sa 3:07 minuto ng second quarter.

Sa likod ni Carlo Lastimosa, nakadikit ang E­nergy sa 69-77 sa 10:19 minuto ng final canto bago nagtuwang sina Paul Lee at Jeff Chan para muling ilayo ang Elasto Painters sa 93-76 sa 4:46 minuto nito.

Huling nakalapit ang Barako Bull sa 87-97 matapos ang basket ni Chico Lanete sa 2:15 minuto kasunod ang tres ni Chism para sa 99-87 bentahe ng Rain or Shine sa huling 2:09 minuto.

Kumolekta si seven-foot import Solomon Alabi ng 23 points at 13 rebounds sa panig ng Energy.

Rain or Shine 103 - Chism 32, Lee 16, Quiñahan 12, Chan 11, Norwood 7, Cruz 7, Tang 6, Almazan 4, Uyloan 3, Belga 3, Araña 2, Ibañes 0, Teng 0.

Barako Bull 91 - Alabi 23, Intal 19, Lanete 14, Marcelo 11, Mercado 9, Lastimosa 6, Garcia 4, Matias 3, Pascual 2, Chua 0, Hubalde 0, Salva 0, Paredes 0, Sorongon 0.

Quarterscores: 30-27; 53-40; 77-62; 103-91.

Show comments