Semis cast kinumpleto ng Lady Tamaraws
Laro sa Sabado
(Smart Araneta Coliseum
2 p.m. NU vs UST
(Men’s Final Four)
4 p.m. FEU vs NU
(Women’s step-ladder semis)
MANILA, Philippines - Dinaig ng FEU Lady Tamaraws ang UST Tigresses sa ikalima at huling set para makumpleto ang 25-21, 25-15, 20-25, 16-25,15-6 panalo at makumpleto ang maglalaro sa semifinals sa 77th women’s volleyball playoff kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa ng career-high na tig-17 puntos sina Geneveve Casugod at rookie Heather Anne Guino-o habang ang beteranang si Bernadeth Pons ay may 17 puntos din para tapusin ng Lady Tamaraws ang dalawang taon na hindi nakakapasok sa post season.
May limang blocks si Casugod at dalawa rito ay ginawa sa deciding set at ang huli ay kinuha laban kay Cherry Ann Rondina para matapos ang laro na tumagal ng isang oras at 55 segundo.
Si Rondina ang siyang nagbigay ng enerhiya sa ikatlo at apat na sets na nakuha ng UST para magkaroon ng momentum sa deciding set.
Pero hanggang 2-all lamang ang kanilang pinakamagandang naipakita sa fifth set dahil si Guino-o ay may dalawang attack points para itulak ang FEU sa 8-2 kalamangan.
Ang panalo ay nagbigay karapatan sa FEU na kalabanin ang number three seed National University Lady Bulldogs sa unang hakbang sa step-ladder semis sa Sabado.
May 19 hits si Pamela Lastimosa para sa UST na sa ikatlong taon ay hindi nakaalpas sa elimination round.
Samantala, pumasok na sa Finals sa men’s divison ang top seed na Ateneo Eagles nang kunin ang 25-16, 25-12, 26-28, 25-20 panalo laban sa Adamson Falcons.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nasa championship round ang Eagles pero maghihintay pa sila ng makakalaban dahil humirit ang nagdedepensang kampeon National University Bulldogs ng deciding game nang talunin ang second seed UST Tigers, 26-24, 28-26, 23-25, 25-21. (AT)
- Latest