MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagsali sa unang pagkakataon ni Italian Domenico Passuello nang samahan ang nagbabalik na si Emma Pooley ng Great Britain bilang mga kampeon sa Yellow Cab Challenge Philippine Subic-Bataan noong Sabado.
Ang karera ay inilagay sa mahabang 1.9k swim, 90k bike at 21k run at napahirapan ang mga kalahok bunga ng mainit na klima na sinasabayan ng paminsan-minsan ay malakas na hangin.
Ngunit naalpasan ito ni Passuello para lumabas bilang hari sa Pro Men sa 4:04:22 oras.
Hindi nagpahuli si Pooley na hinigitan ang pangatlong puwesto na pagtatapos noong nakaraang taon sa 4:41:51 oras.
Sulit ang paghihirap nina Passuello at Pooley dahil 5,000 euros (halos P250,000.00) ang premyong kanilang napanalunan.
Ang Danish na si Rasmus Petraeus na two-time Challene Phuket champion, ang pumangalawa sa 4:09:04 at ininda niya ang mahinang ipinakita sa bike para masayang ang kalamangan na naiposte sa swim.
Nasa ikatlong puwesto si Mitch Robbins ng Australia sa 4:13:11.
Ang Amerikanang si Kelly Williamson ang pumangalawa sa kababaihan sa 4:52:14 habang ang kababayan ni Pooley na si Parys Edwards ang pumangatlo sa 4:53:19 tiyempo.