Eaglets hinubaran ng titulo ang Bullpups
MANILA, Philippines - Binigyan ni Lorenzo Mendoza ng malakas na panimula bago si Matt Nieto ang nagpatuloy sa huling yugto para angkinin ng Ateneo Eaglets ang 77th UAAP juniors basketball title sa 90-73 dominasyon sa dating kampeon National University Bullpups kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 30 puntos si Mendoza at 19 dito ay kanyang ginawa sa second period upang ilayo ang Eaglets sa halftime, 52-34.
Tumipa naman si Nieto ng 25 puntos at 10 dito ay ginawa sa huling yugto para maisantabi ang tangkang pagbangon ng Bullpups.
Nakadikit ang NU hanggang sa limang puntos, 74-69, sa buslo ni Jordan Sta. Ana bago pumukol ng pitong sunod na puntos, na tinapos sa isang triple, para iangat ang Ateneo sa 85-69 bentahe, may 3:07 sa labanan.
May 10-of-24 shooting si Mendoza para siyang hiranging MVP sa championship series.
“Gusto ko na talagang manalo,” wika ni Mendoza na kasama sa Batang Gilas noong nakaraang taon.
Ito ang unang kampeonato ng Ateneo mula 2010 at una para kay coach Joe Silva matapos halinhinan si Jamike Jarin noong 2011.
Ang season MVP na si Mike Nieto ay mayroong 12 puntos pa para tulungan ang Eaglets sa 67 puntos, anim na puntos lang na kapos sa kabuuang puntos na ginawa ng Bullpups.
Bunga nito ay nabigo ang Bullpups na walisin ang tatlong dibisyon na pinaglabanan sa basketball dahil ang Bulldogs at Lady Bulldogs ang kampeon sa kalalakihan at kababaihan sa season na ito.
- Latest