MANILA, Philippines – Hindi nangyari ang sinasabing posibleng formal announcement ni Floyd Mayweather, Jr. para sa kanilang mega showdown ni Manny Pacquiao sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“It’s all just speculation,” wika ni Mayweather sa panayam ng TNT courtside reporter David Aldridge sa third quarter ng 2015 NBA All-Star Game sa Madison Square Garden sa New York.
Sa isang laro ng Miami Heat at Milwaukee Bucks nagkita sina Pacquiao at Mayweather kung saan sila nagpalitan ng phone numbers.
Kinagabihan ay personal na nagtungo si Mayweather sa hotel suite ni Pacquiao at pinag-usapan ang mga detalye ng kanilang super fight.
Sa pagbabalik ng Filipino world eight-division champion sa Pilipinas ay sinabi nitong malapit nang maplantsa ang kanilang banggaan ng American world five-division titlist.
Sinabi ni Mayweather na wala pang fight contract na napipirmahan.
“I haven’t signed a contract yet and he hasn’t signed either,” wika ng 37-anyos na si Mayweather sa kanilang fight contract ng 36-anyos na si Pacquiao.
Matapos ang laro ay naglakad si Mayweather sa corridor ng Barclays Center at huminto sa elevator bank kung saan siya tinanong ng isang reporter.
Ikinainis niya ito.
“Can I ask you a question?” ani Floyd sa reporter.
“Please, can I ask you a question? Is this a boxing match? Are we at a boxing match? No, this is the All-Star game. I’m at an All-Star event. Please respect my privacy. I don’t want to answer any questions,” sabi pa ni Mayweather.
Kamakailan ay ibinunyag ng The Telegraph na plantsado na ang lahat para sa Pacquiao-Mayweather fight.
Subalit pinabulaanan ito ni Showtime Boxing head Stephen Espinoza.
“Not sure what anyone is signing since no agreement has been finalized yet. An imaginary contract, maybe. Real one not finished yet. Sorry for telling the truth,” sabi ni Espinoza sa kanyang Twitter account.