Tautuaa malabong makalaro sa Gilas team
MANILA, Philippines – Pananatilihin ng FIBA ang patakaran na ang isang foreign-born player ay dapat makakuha ng passport ng bansang kanyang kakatawanin bago maging 16-anyos para maging legal na local player na may blood lineage.
Hindi naman ito magagamit sa isang player na naging isang naturalized citizen, habang ang isang national team ay maaari lamang kumuha ng isa.
Dahil sa FIBA rule, hindi na makakalaro si Fil-Tongan Moala Tautuaa para sa Gilas Pilipinas maliban na lamang kung siya ay magiging naturalized player.
Ang ina ni Tautuaa na si Romanita ay isang Filipina mula sa Cabanatuan.
Kamakailan lamang nakakuha ang 25-anyos na si Tautuaa ng kanyang Philippine passport.
Dapat nakuha niya ang passport bago siya maging 16-anyos para maging eligible na maglaro sa Gilas.
Kasalukuyang naglalaro si Tautuaa sa PBA D-League.
Nadiskubre siya sa US ni Filipino coach Ariel Vanguardia na kinuha siyang import para sa Westports Malaysia Dragons sa ABL.
Kinumpirma ni Vanguardia na hindi nakakuha si Tautuaa ng Philippine passport bago siya naging 16-anyos.
Ito ang parehong patakaran na nagdidiskuwalipika kay Fil-Am Jordan Clarkson ng Los Angeles Lakers na maging player ng Gilas.
Sa isang imbestigasyon naman ng FIBA sa 2011 FIBA Asia Championships sa Wuhan, China, lima sa Qatar’s players ay idineklarang ineligible bago magsimula ang torneo.
Ang mga ito ay sina Tanguy Ngombo, Ousseynou N’Diaye, Mansour Ed Hadary, Hassan Mohamed at Mame Ndour.
Nabigo silang patunayan ang kanilang Qatar heritage para payagang makalaro sa national team.
Kailangan muna silang maging naturalized citizens para mapabilang sa lineup.
Nakapaglaro ang Qatar sa Wuhan na wala ang naturang limang players at natalo sa Uzbekistan, 27-12, at sa Iran, 40-4, sa pamamagitan ng default sa first period.
Idineklara ng FIBA na ang isang foreign-born player na nabibilang sa dalawang bansa ay dapat kumuha ng passport ng bansang plano niyang katawanin bago tumtuntong sa edad na 16-anyos.
“This practice of transforming foreigners into locals for a national team has been stopped by FIBA,” ani SBP senior advisor Moying Martelino na nagsilbing Asian Basketball Confederation (ngayon ay FIBA Asia) secretary-general sa loob ng siyam na taon at naging FIBA Central Board member.
- Latest