Laro sa Lunes
(Blue Eagle Gym)
1 p.m. DLSZ vs NU
(Jrs. semis)
MANILA, Philippines - Gumawa sina Aljun Melecio at Quinito Banzon ng 21 at 20 puntos para manatiling buhay ang paghahabol ng La Salle-Zobel Junior Archers ng titulo sa 77th UAAP juniors basketball sa 87-81 panalo laban sa Adamson Baby Falcons sa step-ladder semifinals kahapon sa Blue Eagle Gym.
May apat na triples si Melecio bukod sa walong rebounds at tatlong assists habang si Banzon ay may 6-of-10 shooting, tampok ang 2-of-2 sa 3-point line para angkinin ng fourth seed ang karapatan na labanan ang nagdedepensang kampeon National University Bullpups sa ikalawang yugto ng kompetisyon.
Dahil pumangalawa ang NU, magkakaroon sila ng twice-to-beat advantage sa La Salle.
Ang mananalo rito ang siyang makakasukatan ng Ateneo Blue Eaglets na winalis ang 14-game elimination tungo sa mahalagang thrice-to-beat advantage,
May 20 puntos at 17 rebound si Frederick Tungcab para sa Baby Falcons na namaalam sa kompetisyon.
Ininda ng Baby Falcons ang masamang panimula na kung saan naiwanan sila ng hanggang 20 puntos, 44-64, sa ikatlong yugto upang masayang ang 34 puntos na ginawa sa fourth period.
May 11 puntos si Tungcab sa huling yugto habang ang triple ni Gerald Fernandez ang nagdikit sa Adamson sa anim, 79-85.
Ngunit si Brent Paraiso ay nagsalpak ng dalawang free throws para selyuhan ang panalo.
Umarangkada agad ang La Salle sa 26-16 kalamangan sa unang yugto dahil sa maagang pag-iinit ni Banzon.
Hindi siya sumablay sa apat na attempts at may 2-of-2 sa three-point line tungo sa10 puntos.
Gumana na ang laro ni Melecio sa mga sumunod na yugto at ang buslo ni Noah Webb ang nagtala sa pinakamalaking bentahe sa laro na 20 puntos, 69 minuto bago natapos ang ikatlong yugto. (AT)