Donaire magbabalik sa Pinoy Pride
MANILA, Philippines - Pumirma na si Nonito Donaire Jr. para sa Pinoy Pride 30 na balak gawin sa Mayo sa bansa.
Makakasama ni Donaire na sasalang sa aksyon si Donnie Nietes na siya ngayong may hawak sa pinakamahabang panahon na naging kampeon ng Pilipinas.
Ito ang lalabas na come-back fight ni Donaire matapos ang masakit na sixth round knockout na pagkatalo kay Nicholas Walters noong Oktubre 18, 2014 sa USA.
Kasamang nahubad sa kabiguang iyon ang dating hawak na WBA Super World feather weight title.
Samantala, handang-handa na ang dalawang WBO champions sa gagawing pagdepensa sa suot na titulo sa Sabado sa USEP Gym sa Davao City.
Tinaguriang Pinoy Pride 29: Fists of Fury, sina WBO International super lightweight champion Jason Pagara at WBO Intercontinental Jr. featherweight king Genesis Servania ang mapapalaban sa mga bigating dayuhang Mexicano ngunit may tiwala na kaya nilang pataubin ang mga ito para mapagningning ang pa-boxing na handog ng ALA Boxing Promotion katuwang ang ABS-CBN.
May 34-2 baraha bukod sa 21KOs, kalaban ni Pagara si Cesar Chavez na ipaparada ang kanyang 24 panalo sa 31 laban, kasama ang 12 knockouts
Sa kabilang banda, si Servania ay magtatangka na palawigin ang pagpapanalo sa 26 diretso sa pagsukat kay Juan Luis Hernandez.
Si Arthur Villanueva may record na 26-0 at hawak ang IBF International super flyweight crown, ay mapapalaban sa beteranong si Julio Cesar Miranda.
Ang 19-anyos na bagitong si Mark Magsayo (9-0, 7KOs) ay itatapat sa Thai boxer na si Sukkasem Kietyongyuth.
- Latest