TORONTO-- Kumamada si Jarrett Jack ng 24 points, habang nagdagdag ng 22 si Alan Anderson para tulungan ang Brooklyn Nets sa 109-93 panalo laban sa Raptors sa NBA.
Ipinalasap ng Nets ang unang kabiguan ng Raptors sa huling 10 laro laban sa kanilang mga karibal sa Atlantic Division ngayong season.
Nag-ambag si Joe Johnson ng 12 points para sa Brooklyn, nakamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos maipatalo ang lima sa kanilang huling anim na laro.
Naglaro sa ikalawang pagkakataon makaraang magpahinga ng 11 laro dahil sa kanyang rib injury, naglista si guard Deron Williams ng 11 points sa loob ng 33 minuto.
Umiskor naman si Terrence Ross ng 23 markers para sa Toronto, habang naglista si Kyle Lowry ng 13 points at 10 assists.
Ito ang ikalawang dikit na kamalasan ng Toronto ma-tapos manalo ng anim na sunod.
Kinuha ng Nets ang 76-72 abante sa pagsisimula ng fourth period bago ito palakihin ni Anderson sa 81-72 buhat sa kanyang tatlong free throws at isang slam dunk.
Sa Houston, tumipa si Harden ng 27 points para banderahan ang Rockets sa 101-90 panalo kontra sa Bulls .
Nagpakawala si Harden ng 15 markers sa second quarter na nakatulong sa Rockets na makapagtayo ng malaking kalamangan at hindi na nilingon pa ang Bulls.
Ito ang ikatlong sunod na kabiguan ng Chicago.
Sa iba pang laro, tinalo ng Indiana ang Detroit, 114-109; giniba ng Atlanta ang Washington, 105-96; pinayuko ng Boston ang Denver, 104-100; dinaig ng Milwaukee ang LA Lakers sa overtime, 113-105; pinatumba ng Minnesota ang Miami, 102-101; tinakasan ng Oklahoma City ang New Orleans, 102-91; pinabagsak ng San Antonio ang Orlando, 110-103; at pinahiya ng Golden State ang Dallas, 128-114.