MANILA, Philippines – Hindi binayaran ng Department of Education (DepEd) ang mga technical officials ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) noong isinagawa sa bansa ang ASEAN Schools Games mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.
Halagang P7,000 lamang ang ibabayad sa mga opisyales na nangasiwa ng track and field event sa Philsports sa Pasig City pero hindi ito naibigay kahit ang DepEd ay sinasabing naglaan ng P80 milyon budget para sa nasabing palaro na ang main venue ay ang Marikina Sports Complex.
“Pinangakuan kami na babayaran ng P7,000 pero hanggang ngayon ay hindi pa kami binabayaran,” wika ni Dominador Laboriante na umakto bilang technical official at recorder sa field events na long jump, triple jump at high jump.
Sa huling araw ng kompetisyon ay pinapirmahan sa kanila ang payroll ngunit hindi agad na ibinigay ang pera dahil wala pa umano sa DepEd.
Kasama sa hindi binayaran ay sina PATAFA secretary general Renato Unso bilang tournament manager bukod sa iba pang opisyales na sina Romy Sotto, Jesus Tubog at Janet Obiena.
Dahil sa ginawa ng DepEd, nagbabalak ang mga opisyales na ito na hindi magbigay ng serbisyo sa gaganaping Palarong Pambansa sa Tagum City, Davao Del Norte.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa nila ito sa amin. Sa Palaro sa Laguna, binawasan nila ang dapat na ibigay sa amin. Sinabi sa amin na utos ng COA na honorarium at food allowance lang ang ibigay sa amin at wala na ang accommodation at transportation na ipinasagot sa amin. Kung ganito ang mangyayari, hindi na kami mag-o-officiate sa mga palaro ng DepEd,” wika pa ni Laboriante.
Maaaring may ganito ring pangyayari sa ibang NSA officials na nagbigay ng serbisyo sa ASEAN Schools at dapat ay lumabas sila para mapagsama-sama ang kanilang karaingan at maaksyunan agad ito.