MANILA, Philippines – Nagpaabot ang bansang Chinese Taipei ng kahandaan na tumulong sa pagsasanay ng Pambansang atleta para sa malalaking kompetisyon na balak salihan.
Ayon kay POC chairman Tom Carrasco Jr., nakausap niya ang Chinese Taipei Olympic Committee secretary na si general Kevin Chen kamakailan at naibulalas nito ang kahandaan ng kanilang bansa na makipagpalitan ng kaalaman sa larangan ng sports.
“Willing silang tumulong sa atin at ang pirmahan ng MOA ay maaaring gawin anytime from now,” ani Carrasco.
Ang Chinese Taipei ay nanalo ng ginto sa Olympics sa larangan ng taekwondo at ito ang maaaring gamitin ng Pilipinas para may alternatibong pagsanayan ang mga jins bukod sa nakagawian sa Korea.
Bago ang Chinese Taipei ay naunang nagpahayag ang bansang Japan na gustong tulungan ang bansa sa sports development.
Kung maisara ang usapin sa Japan, isa sa agad na makikinabang ay ang gymnastics na nitong mga nagdaang taon ay humihingi ng tulong sa nasabing bansa para sanayin ang mga batang gymnasts.
Ang pakikipagtulungan sa ibang bansa na pinapasok ng POC ay iba sa naunang MOA na sinuong ng Philippine Sports Commission (PSC) para mas lumawig ang mga bansang puwedeng puntahan ng Pilipinas para sa pagsasanay.
Ito rin ay hakbang ng POC para maserbisyuhan pa ang mga NSAs para umunlad ang kanilang mga programa. (AT)