MANILA, Philippines – Panibagong pahina sa Philippine volleyball ang nangyari nang kilalanin ng international volleyball federation (FIVB) ang bagong tatag na Larong Volleyball sa Pilipinas (LVP) para siyang mamahala sa team sport sa bansa.
Sa liham na ginawa ni FIVB president Ary Graca, sinabi nito na ibinibigay ng federation ang provisionary blessing sa LVP pero dapat ay magkaroon ng halalan para sa uupong mga opisyal bago lumagpas ang Pebrero 15.
“I hereby grant provisionary recognition to Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. as the new volleyball federation of the Philippines under the umbrella of the POC,” wika ni Graca sa liham para kay POC president Jose Cojuangco Jr.
Bunga nito ay tuluyan nang inalis sa talaan bilang miyembro sa FIVB ang dating kinikilala na Philippine Volleyball Federation (PVF) na nitong Linggo ay nagsagawa ng halalan para sa kanilang bagong board members.
Si POC first Vice President Joey Romasanta kasama sina POC second VP Jeff Tamayo, POC legal counsel Ramon Malinao, Shakey’s V-League president Ricky Palou at POC consultant Chippy Espiritu ang mga incorporators ng LVP at si Romasanta ang inaasahang magiging pangulo ng bagong samahan.
“With this recognition, the dispute in volleyball will be put to rest,” wika ni Romasanta.
Ang paghahanda sa paglahok sa SEA Games sa Singapore at ang Asian Women’s U23 Volleyball Championship sa Mayo sa Pilipinas ang mga pangunahing pagtutuunan ng LVP. (AT)