MANILA, Philippines – Inokupahan ng Bread Story-LPU Pirates ang ikaanim at huling silya patungo sa quarterfinals nang gapiin ang Racal Motors Alibaba, 93-90, sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round kahapon sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.
Naipasok ni Wilson Baltazar ang krusyal na 3-point shot para maitabla ang laro sa 90-all bago bumanat ng jumper si Aziz Mbomiko para makumpleto ang pagbangon mula sa 87-90 iskor sa huling 1:08 ng labanan.
Tinapos ng Pirates ang kampanya bitbit ang 5-6 baraha upang makatabla ang pahingang Tanduay Light Rhum Masters sa mahalagang ikaanim na puwesto.
Pero dahil nanalo ang Pirates sa Rhum Masters sa kanilang unag pagtutuos, 69-64, ang baguhang Bread Story ang siyang umabante sa quarterfinals kalaban ang number three seed at may twice-to-beat advantage na Café France Bakers.
“Magandang accomplishment ito para sa baguhang team gaya namin. Pero hindi kami makokontento at mag-strive pa kami sa next round,” wika ni Pirates coach Bonnie Tan.
Sina Mbomiko at Baltazar ay may walo at limang puntos habang ang nanguna sa koponan ay si Jiovani Jalalon sa kanyang 20 puntos.
Kinumpleto naman ng Cagayan Valley Rising Suns ang 11-0 sweep sa single round elimination sa 104-66 pagdurog sa Wangs Basketball sa ikalawang laro.
Sina Jason Melano, Abel Galliguez at Don Trollano ay mayroong 23,12 at 11 puntos para sa Rising Suns na lalabas na team-to-beat sa liga matapos ang kawalan ng kabiguan sa unang yugto ng kompetisyon.
Pahinga ang Cagayan at Hapee Fresh Fighters (10-1) sa quarterfinals dahil pareho na silang umabante sa semis matapos pangunahan ang elims.