2 titulo hinataw ni Lim sa India netfest
MANILA, Philippines – Nagbunga ang pagdayo ni Alberto “AJ” Lim sa India nang makakuha siya ng dalawang titulo sa dalawang torneong sinalihan.
Unang lumahok ang 15-anyos na si Lim sa isang ITF Grade 3 Junior 1 tournament sa Chandigarh, India mula Enero 5 hanggang 10 at hindi siya natalo sa limang laro.
Kina Nitin Kumar Sinha at Rian Pandole ng India masasabing nahirapan si Lim dahil umabot sa tatlong sets ang kanilang tagisan sa round-of-16 at quarterfinals.
Ang Japanese netter na si Yuya Ito ang siyang nakaharap ng Filipino junior ace sa Finals at tinalo niya ito sa straight sets, 7-6 (5), 6-4.
Tumungo si Lim sa New Delhi para sumali sa mas mataas na Grade 2 ITF Juniors tournament at hindi rin umubra ang limang nakalaban para sa ikalawang sunod na titulo.
Giniba ni Lim sa straight sets sina Indian players Nikshep Ballekere Ravikumar (6-2, 6-2), Arjun Ramakrishnan (6-2, 6-2) at Nitin Kumar Sinha (6-4, 6-1) para maitakda ang muling pagtutuos kay Ito na nangyari sa semifinals.
Nakuha ni Ito ang unang set sa tie-break ngunit nag-adjust ng laro si Lim para makuha ang sumunod na dalawang sets tungo sa 6-7 (3), 6-2, 6-4, panalo.
Si Cing-Yang Meng ng Chinese Taipei ang nakaharap ni Lim at naisuko rin niya ang first set bago winalis sa sumunod na dalawang sets para sa 4-6, 6-2, 6-3, tagumpay.
Kumampanya rin si Lim sa doubles pero dalawang pilak lang ang nakuha ni Lim kasama sina Vasisht Cheruku ng India (Changdigarh) at Meng (New Delhi).
Ang panalo ni Lim sa New Delhi ang pinakamalaki sa kanyang career dahil ito ay isang Grade 2 event. (AT)
- Latest