PNoy Sports dadayo sa Norte

MANILA, Philippines - Dadalhin ng Yellow Ribbon Movement (YRM) ang PNoy Sports sa Norte para sa ikatlong yugto nito sa Enero 31 sa Lourdes, San Miguel, Tarlac, sa loob ng Hacienda Luisita.

“Lahat ng kabataan dito sa Hacienda ay naghahan­da na, lahat kami ay excited,” ani Provincial Sr. Board Member Cristy Angeles na siyang nangunguna sa pre­parasyon sa paggunita sa kaarawan ng dating Pangu­long Cory Aquino.

Pangungunahan  ni Angeles ang ikalawang distrito na sumasakop sa mga munisipalidad ng Victoria, Gerona, San Jose, at Tarlac City.

Labing-isang mga barangay ng Hacienda Luisita ang sasali sa PNoy Sports, isang kampanya upang isulong ang kalusugan at kaayusan ng buhay at buhayin ang katutubong laro sa Pilipinas.

Ito ang ikatlong pagkakataon na gaganapin ang PNoy Sports-- ang una ay noong Agosto 2013 sa Quezon City Memorial Circle na dinaluhan ng 700 mga bata at kanilang 210 magulang, at ang ikalawa ay noong Nobyembre kung saan halos isanlibong mga bata mula sa Akap sa Bata Foundation, Leyte at Apolinario Mabini Elementary School ang pumunta sa Rizal Park upang maglaro.

“Ang ethnic sports ay tradisyon natin. Ipinagmamalaki naming dalhin ito sa Norte, lalo na sa Tarlac, tahanan ng dalawang mahuhusay na pangulo at isang bayani,” ani YRM President Margie Juico, ang nagpasimula ng kampanya.

Show comments