Eagles, Lady Falcons may misyon
MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng Ateneo Eagles at Adamson Lady Falcons na dugtungan pa ang pagpapanalo sa baseball at softball sa pagbubukas ng kompetisyon sa Season 77 dalawang linggo mula ngayon.
Ang baseball ay gagawin sa Enero 25 sa Rizal Memorial Baseball Field habang mauuna ng isang araw (Enero 24) ang aksyon sa softball sa nasabi ring palaruan.
Sasalang agad sa laro ang Eagles laban sa Adamson sa ganap na alas-7 ng umaga.
Ang iba pang laro ay sa hanay ng UP Maroons at La Salle Archers at NU Bulldogs at UST Tigers.
Solido pa rin ang Eagles sa hangaring ikatlong sunod na kampeonato dahil tanging si Kevin Ramos lamang ang nawala sa kanilang line-up noong nakaraang taon.
Ang Archers na siyang tinalo ng Ateneo sa Season 76, ang siyang inaasahang magiging karibal pa rin ng nagdedepensang kampeon at magsusukatan sila sa pagtatapos ng first round elimination sa Pebrero 8.
Sa kabilang banda, pakay ng Lady Falcons ang ikalimang sunod na kampeonato at palawigin ang 48-game winning streak.
Mas mapanghamon ang laban ng tropa ni coach Ana Santiago dahil wala na ang limang kasapi ng starting nine na sina dating MVP Luzviminda Embudo, Elvie Entrina, Rizza Bernardo, Julie Marie Muyco at Cindy Banay.
Ang NU Lady Bulldogs pa rin ang siyang tinik sa Adamson at inaasahang makakatulong ang dagdag na karanasan na nakuha sa huling dalawang taon para mas gumanda ang laban.
Makikita ang lakas ng Lady Bulldogs sa Enero 24 laban sa Ateneo Lady Eagles sa ganap na alas-9 ng umaga.
Ang Adamson ay magbubukas ng kampanya sa Enero 28 laban sa University Tigresses.
- Latest