Para makuha ang target na 40/45 ginto sa SEAG, Camacho sa NSA: ‘Send your best athletes’
MANILA, Philippines – Aminado si Philippine Chef De mission Julian Camacho na hindi kakayanin ng bansa na makipaglaban sa Top Three sa overall championship sa darating na 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ngunit kumpiyansa siyang lalaban nang sabayan ang mga Filipino athletes para sa pang-limang puwesto.
Naniniwala rin si Camacho ng wushu federation na kaya ng Philippine delegation na humakot ng 40 hanggang 45 gintong medalya sa sasalihang 33 sports events sa Singapore SEA Games sa Hunyo 5-16.
“Hindi kami naglabas ng prediction but definitely we have to surpass our last performance in Myanmar SEA Games in 2013,” wika ni Camacho kahapon sa PSA sports forum sa Shakey's Malate.
Noong 2013 SEA Games sa Myanmar ay nagtapos ang Pilipinas sa pang-pitong puwesto sa nakolektang 29 gold, 34 silver at 37 bronze medals.
“We can do it if every athlete will do their best to win the gold,” ani Camacho na nanawagan din sa mga National Sports Association (NSA) na ipadala ang pinakamahusay nilang mga atleta.
“Send your best athletes. We need every gold medal we can get,” dagdag pa nito.
Ang Thailand, Indonesia at Vietnam ang mga inaasahang mag-aagawan sa overall championship ng 2015 Singapore SEA Games, samantalang makakalaban naman ng Pilipinas para sa pang-limang posisyon ang Singapore, Malaysia at Myanmar.
“I don’t think Singapore is aiming for No. 1 but it can land in third or fourth,” ani Camacho.
Nagsumite na ang mga NSAs listahan ng 700 atleta ngunit ito ay maaaring lumiit sa 400 sa deadline para sa pagbibigay ng entry by names sa Abril.
- Latest