MANILA, Philippines - Lumalalim na ang usapan para maganap ang pagkikita ng dalawang tinitingalang boksingero sa panahong ito na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Sa balitang lumabas sa LA Times, sinasabing naayos na ang usapin patungkol sa hatian ng kikitain ng dalawang boksingero habang wala na ring problema kung ang drug testing ang pag-uusapan.
Ang tagisan ay gagawin na rin sa Amerika pero ang petsa ay hindi pa napagkakasunduan.
Tumibay ang kredibilidad ng balitang ito nang mismong ang batikang trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach ang nagpatotoo na patuloy ang nagaganap na usapan sa magkabilang kampo.
Hindi naman siya nagbigay ng anumang detalye kundi sinabi lamang niya na magandang senyales ang nakikita niya sa nangyayaring negosasyon.
“I spoke to Bob Arum yesterday and I think I’m getting close to saying it’s very close,” wika ni Roach sa The Sweet Science. “It’s close. I think I know for a fact that it’s closer than ever.”
Limang taon ng sinisikap na pagsabungin sina Pacquiao at Mayweather pero lagi itong nauudlot.
Ilan sa mga bagay na nagpabagsak sa negosasyon ay ang usapin sa hatian ng pera at kung paano isasagawa ang drug testing.
Wala ng problema ito dahil mismong si Pacman ang nagsabi na ipauubaya na niya ang mga bagay na ito sa kagustuhan ni Mayweather basta’t matuloy lamang ang kanilang pagtutuos para mapasaya ang mga panatiko sa boxing.
Bago ito ay naunang nailagay sa nirerespetong BoxRec website na sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas gagawin ang laban bago biglang inalis.
Asahan na ibabalik ito lalo pa’t sinasabing maliit na detalye na lamang ang kailangang ayusin para ideklarang tuloy na ang sagupaan nina Pacquiao at Mayweather. (AT)