MANILA, Philippines - Nilinaw ng ABAP sa international federation (AIBA) kung puwede pang lumahok sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez sa gaganaping Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
Ayon kay ABAP executive director Ed Picson, ang komunikasyon ay ipinadala na sa AIBA noong Huwebes matapos umani ng hindi magandang reaksyon ang kanyang pahayag na hindi makakasama sina Barriga at Suarez sa Singapore dahil pagtutuunan ang gagawing kampanya sa AIBA Professional Boxing.
Ang palarong ito na pinatatakbo ng AIBA ay gagamitin bilang isang Olympic qualifying event para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Kailangang kunin ang opinyon ng AIBA dahil nakasaad sa alituntunin ng liga na ang mga sasaling boksingero ay puwede na lamang lumahok sa mga World at Continental level tournaments.
“Palaro ito ng AIBA kaya kailangan muna natin linawin kung puwedeng maglaro pa sina Barriga at Suarez sa SEA Games. Ang gusto kasi ng IF, ang mga boksingerong kasali ay lalaro na lamang sa matataas na level na tournaments para lalo silang mahasa at mabigyan din ang ibang boxers na ipakita ang galing sa mga lower level tournaments tulad ng SEA Games,” wika ni Picson.
Nabahala ang mga sports officials ng bansa nang ihayag ang hindi pagsama nina Barriga at Suarez dahil ang dalawa ay patok sa ginto sa SEAG.
Ang Olympian na si Barriga ay nanalo ng ginto sa light flyweight division sa 2013 Myanmar Games, habang si Suarez ay nag-uwi ng pilak sa lightweight division noong 2014 Incheon Asian Games.
Ang dalawa ay priority athletes ng PSC at nasabi ni chairman Ricardo Garcia na posibleng matanggal ang dalawa kung hindi maglalaro sa Singapore.
“Kung pumayag ang AIBA baka makasama sila. Pero kung hindi puwede, may iba pa naman tayong boxers na puwedeng ipalit sa kanila. Wala namang kasiguruhan dito sa boxing. Ang matitiyak lamang ng ABAP ay ang ipadadala namin sa Singapore ay iyong tunay na may tsansang manalo ng ginto,” paliwanag pa ni Picson.
Nais ng Pilipinas na makabangon matapos malaglag sa pinakamasamang pagtatapos na ika-pitong puwesto sa Myanmar sa pagsali sa Singapore na gagawin sa Hunyo 4 hanggang 15. (ATan)