Laro sa Lunes
(JCSGO Gym, Cubao Quezon City)
12 nn – Café France vs AMA
2 p.m. – MJM vs MP Hotel
4 p.m. – Wangs vs Cebuana Lhuillier
MANILA, Philippines - Sinandalan ng Cagayan Valley ang malakas na panimula tungo sa 81-74 panalo sa Tanduay Light Rhum upang makisosyo sa liderato sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Umarangkada agad ang Rising Suns sa 30-12 panimula at pinasiklab ito ni Adrian Celada na naghatid ng 8 puntos, kasama ang dalawang triples.
Mula rito ay hindi na nakabawi ang Rhum Masters tungo sa pagsubi ng ika-siyam na diretsong panalo ng Cagayan na siya ring karta ng pahingang Hapee.
Wala namang masamang epekto ang 20 araw na pahinga ng Café France Bakers nang kunin ang 67-62 overtime win laban sa Cebuana Lhuillier Gems na nangyari matapos ang 97-94 panalo sa extension ng Bread Story-LPU Pirates sa Wangs Basketball Couriers sa naunang dalawang laro.
May 16 puntos si Maverick Ahanmisi at lima rito ay ginawa sa overtime para takasan ang Gems.
May 7-2 baraha ang tropa ni coach Edgar Macaraya para selyuhan ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Bumaba ang Cebuana sa 4-4 at kailangang maipanalo ang huling tatlong laro para sa insentibo.