Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
7 p.m. Alaska
vs San Miguel
(Game 2, Finals)
MANILA, Philippines - Sa kanyang rookie year noong 2013 ay kaagad napasabak si Calvin Abueva sa PBA Finals.
Hindi man masyadong naasahan ay nakatulong pa rin ang 6-foot-2 small forward para makuha ng Alaska, kasama si import Rob Dozier, ang korona ng PBA Commissioner’s Cup.
Ayon kay Abueva, ang nasabing championship experience ang siya niya ngayong napapakinabangan.
“Naka-experience na ako ng Finals eh. Pumasok sa akin ‘yun kaya iyon ang mindset ko, ang maglaro with best energy sa game,” sabi ng produkto ng San Sebastian Stags.
Sa 88-82 overtime win ng Aces laban sa San Miguel Beermen sa Game One ng kanilang championship series para sa 2014-2015 PBA Philippine Cup noong Miyerkules ay kumolekta si Abueva ng 22 points at 10 rebounds.
Inaasahang muling makakatulong si Abueva sa hangad na 2-0 kalamangan ng Alaska kontra sa San Miguel sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Hindi pa tapos ito (title series). Marami pang game na dadaanan at gagawin kaya focus lang at stay humble,” sabi ni Abueva.
“Ito na yung Finals kaya kailangan mo na ibuhos ang lahat,” dagdag pa nito.
Lumamang ang Beermen ng 22 points sa first period at 14 points sa third quarter hanggang makauna ang Aces sa 65-62 sa 6:17 minuto ng final canto patungo sa overtime, 74-74.
“We started strong, led by 22 points at the end of the first quarter and then I don’t know what happened,” wika ni San Miguel coach Leo Austria.
Kumamada ang bench ng Aces ng 61 points kumpara sa 20 ng Beermen bukod pa sa mahigpit na depensang ibinigay nina 6’9 Sonny Thoss at 6’6 Eric Menk kay 6’10 June Mar Fajardo sa kabuuan ng laro.
“A major factor was the Alaska bench outscoring ours, 61-20. There’s also their tough, tough defense and they’re not drawing fouls,” ani Austria. “Si June Mar (Fajardo), mukhang napagod.”
Hindi nakaiskor si Fajardo, tumapos na may 14 points at 17 rebounds, sa extra period sa nasabing kabiguan ng San Miguel.