BoxRec laban-bawi sa Pacquiao-M’weather fight

MANILA, Philippines – Nagulo ang mundo ng boxing nang ilagay ng nirerespetong BoxRec ang pangalan ni Manny Pacquiao bilang kalaban ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.

Sa post ng BoxRec ay nakasaad pa rito ang MGM Grand Arena sa Las Vegas ang lugar na pagdarausan ng kinasasabikang tagisan ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito.

Pero ilang oras matapos ilagay ay binawi rin ito ng website dahilan upang marami ang nagtaka kung totoo ba o hindi ang laban.

Ang BoxRec ay ginawa para makita rito ang professional records ng mga male at female boxers.

May mga editors mula sa iba’t-ibang bansa ang boluntaryo na nangangalap ng impormasyon para ma-update ang records ng mga aktibong boksingero.

Kahit ang mga kinikilala sa mundo ng boxing ay nananalig sa katotohanan sa nilalaman ng nasabing website.

“Anyone in boxing who says he doesn’t use Boxrec is either a complete imbecile or lying,” wika ni promoter Lou DiBella.

“It’s an incredible tool for everyone in boxing. I use it all the time. We all do. You have to use it,” dagdag ni Cameron Dunkin, ang kinilala bilang ‘manager of the year’ ng Boxing Writers Association of America noong 2007.

Bagamat nawala sa website, lalong tumibay ang paniniwala ng nakararami na mangyayari ang Pacquiao-Mayweather sa taong ito. (AT)

Show comments