MANILA, Philippines – Hindi si Floyd Mayweather Jr. kundi si Amir Khan ang siyang unang makakalaban ni Manny Pacquiao sa 2015.
Ito ang inihayag mismo ni Khan na nangangarap din na mapili bilang kalaban ni Mayweather.
Ayon kay Khan, magandang istorya kung sila ni Pacquiao ang magtuos dahil dati silang nagsama sa pagsasanay sa ilalim ng trainer na si Freddie Roach.
Humiwalay na si Khan at siya ay hawak ngayon ni Virgil Hunter na siyang binigyan ng kredito ng British boxer kung bakit dinomina niya ang mga welterweight fighters na sina Luis Collazo at Devon Alexander sa Las Vegas.
Noong nakaraang taon pa sinabi ni Khan ang pagnanais na makasukatan si Mayweather pero hindi siya pinapansin dahil naniniwala ang kampo ng pound for pound king na mahina ito kung paghatak ng kita sa pay-per-view ang pag-uusapan.
“I have proven myself at top level and want the big fights. I would love to fight at Wembley Stadium. I believe Manny Pacquiao would come to England and fight me here-that would be good,” wika ni Khan sa Bolton News.
Ang pahayag ni Khan ay ginawa nang lumabas ang ulat na wala pa ring napagkakasunduan sa panig nina Pacquiao at Mayweather para sa binubuong makasaysayang tagisan sa Mayo 2.
Sa panayam sa adviser ni Pacman na si Mike Koncz ni Lem Satterfield ng RingTV, sinabi niyang puro offer at counter offers pa lamang ang nangyayari sa negosasyon.
Ang bagay na ito ay ipinaaalam din niya kay Pacquiao na pasensyosong hinihintay ang kahihinatnan ng negosasyon.
“Bob has been negotiating with the powers that be on Floyd’s side for the past couple of weeks. I’m never overly optimistic until the contract is signed, but the good thing is that we’re still going back and forth,” wika ni Koncz.
Marami ang umaasa na magaganap na ang mahalagang laban sa kapanahunang ito matapos sabihin ni Mayweather ang kahandaan na labanan na si Pacman.
Tumugon si Pacquiao na hindi problema sa kanya ang kikitain sa laban habang isang investment group sa United Arab Emirates ang nag-alok ng $200 milyon kay Mayweather para matuloy lamang ang mega-fight na ito.