MANILA, Philippines – Nasa bansa ang isang 18-anyos Fil-Am swimmer para sumubok na mapabilang sa Pambansang delegasyon na ipanlalaban sa Singapore SEA Games sa Hunyo.
Si Elizabeth (Lily) Jordana na naninirahan sa Houston ay nasa bansa para sa bakasyon at isasabay na ang pagsabak sa time trials sa hangaring maabot ang mga qualifying times para masama sa Pambansang delegasyon.
Nakaharap ni Jordana kasama ng kanyang mga magulang na sina Martin at Sarah at tiyuhing si Joaquin Jordana si Chief of Mission Julian Camacho kamakailan para maipaalam ang kanyang hangarin.
“I’m impressed with Lily’s enthusiasm. I like her attitude,” wika ni Camacho. “I’ve looked at her resume. I can’t comment on whether she’ll make the team or not. Let’s see how our coaches evaluate her.”
Si Pinky Brosas ang national coach at bukas siya sa pagsama kay Jordana sa delegasyon.
Isang trials ang balak gawin bago umalis ng bansa pabalik ng US si Jordana sa Enero 7.
Ang mga marka ni Jordana sa 200-meter backstroke na 2:17:73 ay sapat na para tapatan ang silver medal sa 2013 Myanmar SEA Games.
Noong Martes dumating si Jordana at hindi siya nagpabaya sa kanyang kondisyon dahil lumalangoy siya araw-araw sa Alabang Country Club pool.
Nakasama na ang kanyang pangalan sa mga atletang nais na ipatala para sa accreditation ng Pilipinas sa Singapore organizers kaya’t hindi magiging problema ang pagpasok niya sa delegasyon kung papasa sa criteria.
“I’m excited to compete for the Philippines. If I qualify for the SEA Games, I want to be in the best shape possible,” wika ni Jordana na ang ama na si Martin ay ipinanganak sa bansa at ang mga ninuno ay tubong Naga City.